Kabanata 14 "Ang Pamamaraan sa Kaniyang Tahanan"

“Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan,
at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.”
Kawikaan 31:27.

NEW-COVER-TGL-WW-Front-768x995-1

Marami sa kababaihan ang nakikitang sa kanila ay dumudoble ang trabaho, dumudoble ang responsibilidad, at dumudoble ang pagkastress. Inaasahang maalagaan natin ang ating tahanan, ang pangangailangan ng ating mga asawa, at ng mga anak kasama nang pagbibigay para sa ating mga pamilya. Ginagawa natin ito kahit may sakit, buntis o kapapanganak lamang. Inaasahang damitan natin ang mga bata, ihanda ang almusal ng maaga, alamin kung ano ang ipapakain sa kanilang pananghalian, at ihanda rin ang ating mga sarili. Iniiwan natin ang ating mga sanggol sa bisig ng iba habang umiiyak, at kadalasan, umiiyak tayo papuntang trabaho. Ang buhay natin ay mabilis at malabo. Ano ang nangyari? Paanong nahirapan na tayo? Karamihan sa ina natin ay iniwan tayo sa eskwelahan at may oras pa na maglaro.

Marami sa mga Kristiyanong kababaihan ay ginagamit ang babae sa Kawikaan upang mapangatwiran ang kanilang pagtrabaho sa labas ng bahay. Parang ginugusto nila ang kalayaan mula sa walang kabuluhang gawain ng isang may-bahay. Ang iba ay naniniwala na ang babae sa Kawikaan ay nagtatrabaho sa labas ng kaniyang tahanan. Intensyon ba ng Diyos na ang asawang babae ay magtrabaho malayo sa kaniyang tahanan? Siya ba ay malayo mula sa kaniyang mga anak tulad ng maraming inay na nagtatrabaho ngayon? Siya ba ay nasa ilalim ng autoridad ng kaniyang asawa at gayunman ng Panginoon?

Dapat ay maging maingat tayo sa pagturo tungkol sa babae sa Kawikaan; kinakailangan hindi tayo magdagdag sa Kaniyang Salita o bawasan ito. Kailangan nating tingnan ang mga Banal na Kasulatan ukol sa mga kababaihan, mga asawa, at mga nanay bago gumawa ng importanteng desisyon na magpatuloy gumawa sa labas ng tahanan. Kinakailangan nating tingnan ang ating bunga! Hangad ko na baguhin ang iyong isipan. Sa paghanap sa Kaniyang Salita para sa kasagutan, mabubuo natin ang “Kaniyang” opinyon, gamitin ito sa ating buhay at ibahagi ito sa ibang kababaihan. Nais ng puso ko na makalaya ka sa pagkaalipin na paggawa sa labas ng iyong tahanan upang maging malaya kang asikasuhin ang pangangailangan ng iyong asawa, mga anak, ibang (nakakabatang) kababaihan, mga naghihirap at mga balo. “...At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo.” Juan 8:32.

Iyong Sariling Asawa

Iyong sariling asawa. Tayo ay hindi dapat nasa ilalim ng pangangasiwa ng ibang lalake o babae. “Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa, tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon..” Efeso 5:22 “...kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyong sari-sariling asawa….” 1 Pedro 3:1 “Mga babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawa, na siya namang nararapat sa Panginoon.” Colosas 3:18. “At sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya.” Genesis 2:18.

Manggagawa ng tahanan. Mga kababaihan “maging matino, dalisay, masipag sa gawaing bahay, ….” Tito 2:5. Ang puta, ay nasasabing, “matigas ang ulo at maingay, ang kanyang mga paa ay hindi tumitigil sa bahay.” Mga Kawikaan 7:11.

Hatiin ang samsam. Sa Banal na Kasulatan na ito ay sinasabi sa atin ang gantimpala sa pananatili sa tahanan. “At nangamamahagi ng samsam ang naiwan sa bahay.” Mga Awit 68:12. Kaming mga nananatili sa tahanan ay may kakayahang samantalahin ang pagtinda sa aming mga bakuran at mga mumurahing tindahan para sa mga nakakatuwang mapapamili (paghati ng samsam. Hindi ba’t nakakahiya kung gaano kalaking pera ang ginagastos ng mga nanay na namimili ng damit para sa kanilang trabaho? At pano ang mga damit na pinagsikipan ng mga bata bago pa man naluma ang mga ito? Bilang babaeng nagtatrabaho, maraming beses ay hindi mo na magagawa ang pagtitipid at hindi na rin makapamili sa mga mumurahing tindahan  dahil hindi sapat ang oras. Isa pa, ang mga naiiwan sa tahanan ay may pagkakataong magluto ng mga pagkain mula sa wala at nakaka iwas sa mga mamamahaling pagkaing madaling lutuin. May oras din sila upang magamit ang mga diskwento tulad ng sa mga natitirang tinapay pagdating ng gabi sa panederya. Oo, ang pananatili sa tahanan ay isang paraan upang makatipid ng pera at maging mabuting ingat-yaman ng pera ng Panginoon.

Ang mga Kahihinatnan

Kapag naupo ka sa iyong bahay. Importanteng matutunan ang batas ng Diyos at maintindihan kung paano ito gumagalaw. Katulad ito ng batas ng gravity. Sa pagsunod ng batas ng gravity at ang batas ng Diyos ay poprotektahan tayo. Ito ang isa sabatas ng Diyos: “At iyong ituturo ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon.” Deuteronomio 6:7. Sa ibang salita, tayo ay gugugulin ang buong araw na tinuturuan ang ating mga anak. Kung tayo ay maya’t mayang aligaga sa lahat ng mga inaasahang gawin natin, paano tayo magkakaroon ng oras upang umupo kasama ang ating mga anak sa ating tahanan?

Makalidad na oras” ay kinokontra ang Banal na Kasulatan. Nakita na natin ang bunga ng ating mga anak kung iiwan natin sila ng sila lang o di kaya ay ipamahala sa ibang tao. Walang ibang tao ang may katulad na pagmamahal at interes na mamuhunan sa kanilang emosyonal, spiritwal at intelektwal na pagsulong tulad ng sa atin. alam natin na walang iba ang makaka-agaw ng ating lugar sa pagmamahal, sakripisyo at pasensya sa ating mga anak. Kung tayo ay naloko o nagawang suwayin ang prinsipyo ng Banal na Kasulatan patungkol sa mga ina, mananatili tayong makikitungo sa mga masasamang bunga. Ang masasamang bunga ay mapaghimagsik at mapaghinging mga bata na nakikita kung saan saan ngayon!

Katuwang na nababagay sa kaniya. Ang batayahan ng Women’s Liberation ay ang paghikayat sa mga kababaihan na gayahin ang papel ng mga kalalakihan sa lipunan. Sinubukan nilang “palabuin” ang pagkakaiba at gawin tayong hindi masaya sa mga “bigay ng Diyos,” espesyal na tungkulin. “At sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya.” Genesis 2:18. Pinilit nila tayong lumabas at magtrabaho, iiwan ang ating mga anak, ang ating tahanan at ang ating mga asawa.

Ngunit ginawa ng Diyos ang sanggol sa loob ng kaniyang sinapupunan at binigyan ang sanggol ng makakain mula sa kaniyang mga dibdib. Binigay ng Diyos sa kaniya ang pasensya at ang kapasidad na mangalaga. Ito ang pundasyon ng pag-ibig na inaasahan ng isang pamilya. Ngunit, sa oras na “pinalalabo” natin ang ating mga tungkulin, may nakakawasak na epekto ito sa ating mga anak, ating tahanan, ating pamilya, ating bayan at sa ating lipunan. Ngunit ang pinakakinalilimutang epekto ay ang nakakawasak na epekto nito sa ating mga kababaihan.

Tahanang nahati. “Bawat kahariang lumalaban sa kanyang sarili ay babagsak; at walang bayan o sambahayang nagkakahati-hati ang magtatagal.” Mateo 12:25. Isang taktika ng kalaban ang maghati at manakop. Sa paghahati ng tahanan dahil ang babae ay nagtatrabaho sa labas nito, ang kalaban ay nasakop na ang mga sumusunod:

Ang mga bata. Kung wala ang nanay, ang mga bata ay titingin sa katulad nila para sa gabay at pag-apruba, kaya mayroong puwersa mula sa mga tulad nila.

Ang mga anak na babae. Kung ang nanay ay nagtatrabaho malayo sa tahanan at masyadong abala sa gabi upang gumugol ng oras kasama ang anak na babae, ito ay hahanap sa isang nobyo para sa katiyakan sa oras na nagbabago na ang kanilang katawan at hormones.

Mga Nanay. Kapag ang nanay ay nagtrabaho malayo sa tahanan, nagkakaroon na sila ng “sariling buhay.” Tulad ng kanilang mga asawa, may mga trabaho at mga kaibigan sa trabaho. Kahit ang iba sa ating mga nanay ay “nagbalik-trabaho” (o nagtrabaho sa unang pagkakataon).

Ating mga asawa. Kadalasan kung ang babaeng asawa ay may trabaho. nahahati ang relasyon ng mag-asawa. Ang kanilang mga hilig ay naiiba, kadalasang nagreresulta sa pagtataksil o kawalang-malasakit. Ang paghahating ito ang nagpapahina sa mga buhay may-asawa na nagreresulta sa hiwalayan o diborsyo.

Aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito. Ang magasawa ay nahahati kung ano o kailan nila bibilihin dahil sila ay may “kaniya-kaniyang pera.” “At baka iyong sabihin sa iyong puso, Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito. Kundi iyong aalalahanin ang Panginoon mong Dios, sapagka't siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan…” Deuteronomio 8:17-18. Kung ang babaeng asawa ay nag-aangkat ng bahagi ng kita, nakikita natin ang napakalaking pagkasira nito sa buhay may-asawa. Ginagawa nitong malaya ang babae at lalake. Ang Business Week na magazine ay tiningnan ang diborsyo mula sa pinansyal na aspeto. Pinakikita nito na kung ang babae ay kayang buhayin ang kaniyang sarili, hindi na niya kinakailangang manatili sa isang buhay may-asawa. Ang hindi nila nakikita ay ang kalalakihan ay hindi nasisiyahan sa kawalan ng atensyon ng kababaihan. Hinahanap niya ang atensyon na ito, madalas sa kaniyang trabaho, at ang babae ay nahaharap sa pangangaliwa.

Gulo sa kanyang sariling sambahayan. “Siyang sakim sa masamang pakinabang ay gumagawa ng gulo sa kanyang sariling sambahayan…” Mga Kawikaan 15:27. Maraming lalake ang hinikayat na bumalik ang kanilang mga asawa na magbalik sa trabaho, hindi naiintindihan ang masamang epekto ng desisyong ito sa buong pamilya. Hihina ang kaniyang kapangyarihan at nakakwasak ang epekto nito sa buhay may asawa, at lalo na sa mga bata.

Pahirapan ang sarili sa pagpapayaman. Sa mas maraming pera, sa halip na ang kaperahan ay “mapadami”, kadalasan ay dinadagdagan ang pag gastos, at, madalas, lalong sumasama ang lagay ng pinansyal kaysa ng hindi nagtatrabaho. Sinabi sa Kawikaan 23:4, “Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pagpapayaman. Sa halip pigilan mo ang iyong sarili at isipin kung ano ang mabuti. Dahil ang kayamanan ay madaling mawala at tila may pakpak na lumilipad sa kalawakan tulad ng isang agila.” Bakit hindi tayo naniniwala sa Salita ng Diyos? “At dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus, ibibigay sa inyo ng aking Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya.” Filipos 4:19. Ang pamamaraan niya ay perpekto. Maari kang magtiwala sa Kaniya! Kung ikaw ay napapagod na bilang babaeng nagtatrabaho, umiyak ka sa Kaniya at sa Kaniya lamang! Huwag kang lumapit sa iyong asawa tungkol dito. (Tingnan ang aralin 5, “Nanalo ng Walang Salita.”)

Ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba. Ang mga kababaihang nagtatrabaho ay inaasahang hatiin ang kanilang pagmamahal at kanilang prayoridad. “Datapuwa't siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila'y sinabi, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba.” Lucas 11:17. Kapag ang mga batang kababaihan ay nagtatrabaho, kinakailangan nilang sundin ang pangangailangan at kagustuhan ng kanilang boss upang manatili sa trabaho. nagsisimula silang magpakita ng ugali at katangian ng isang perpektong asawa! Madalas ay pinakikiusapan silang ilaan ang oras sa trabaho na dapat sa kanilang pamilya, pumapasok g maaga o nagtratrabaho kahit walang pasok. Nagsisimula silang magpakita ng utang na loob na dapat ay para lamang sa kanilang asawa. Kung ang kanilang boss ay nagbigay ng puri sa kanilang itsura o sa kanilang ginawa, sila ay naliligayahan. Ang kanilang mga boss ay ilalabas sila upang kumain o di kaya ay bigyan sila ng bonus o regalo. Hindi ba’t nakakapagtaka na maraming babae ang iniiwan ang kanilang asawa upang makiapid sa kanilang boss o sa katrabaho? Hindi na lamang ang mga lalake ang tumatakas kasama ang kanilang sekretarya o katrabaho!

Sinoma'y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Ang mga kababaihan na nagtatrabaho ay nakikita ang kanilang sarili sa dalawang magkalabang mundo. Bawat mundo ay may magkaibang hinihingi at gantimpala. Ang Banal na Kasulatan ay sinasabing hindi nating mapaglilingkuran ang dalawang panginoon; walang sino man. “Sinoma'y hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon: sapagka't kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa: o kaya'y magtatapat siya sa isa, at pawawalang halaga ang ikalawa.” Mateo 6:24. At hindi ba ito ang tunay na nangyayari? Sinusunod natin ang isa at kamumuhian ang isa. Ang babae ay mahal ang kaniyang trabaho o di kaya ang kaniyang pamilya at tahanan ay nagiging sagabal, o di kaya ay kinamumuhian ang trabaho dahil mas nais niyang nasa pamamahay na lamang.

Umalis ka sa harapan ng isang taong hangal. Kung ang babae ay nagtatrabaho sa labas ng bahay, nagsisimula silang makaranas ng mapanirang panggigipit. Ang gumawa kasama ang ibang tao, lalo na ang hindi mga Kristiyano, nagkakaron ng masamang epekto sa ating kaluluwa. Kahit na marami ang pakiramdam nila ay sila ang “ilaw” sa lugar ng kanilang trabaho, karamihan ay hindi talaga nakakapagbago ng paligid. Ang sabi ng Banal na Kasulatan, “Umalis ka sa harapan ng isang taong hangal, sapagkat doo'y hindi mo matatagpuan ang mga salita ng kaalaman.” Mga Kawikaan 14:7. At “Huwag kayong padaya: ‘Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang ugali.’” 1 Corinto 15:33. Kung ang trabaho mo ay nagdudulot na kumompriso ka sa iyong paniniwala, sa kalaluan ikaw ay mapapasama.

Huwag kang makisama sa taong makati ang dila. Ang mga babae ay may maraming karaniwang kahinaan; isa ang pagtsismis. Ang karaniwang pampalipas oras ng mga babae sa trabaho ay ang magtsismisan. Hindi ito napipigilan. Ang katrabahong may problema sa asawa, ay pag-uusapan ng dalawa. Ang iba, o ikaw, na may problema sa bagong manager, pagbubulungan siya at magrereklamo buong araw, araw araw. Mga Kawikaan 20:19 ay sinasabing, “Ang lihim ay nahahayag dahil sa mga tsismis, kaya huwag kang makisama sa taong makati ang dila.”

Ang lakad ng kaniyang sangbahayan. Kung tayo ay nagtatrabaho ay nakakaligtaan na ang mga responsibilidad sa tahanan. “Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sangbahayan...” Kawikaan 31:27. Hindi natin kayang gawin ang mga bagay na maari nating gawin kung tayo ay may oras, tulad ng pagbake, pananahi, pananatiling malinis ang tahanan at nasa ayos, at pagturo sa ating mga anak. Kahit ang paghanda sa mga pagkain ay minamadali. “Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.” Juan 10:10. Mga Babae, magnanakaw si satanas; ninanakaw niya ang masaganang buhay na inilaan ng Diyos para sa iyo! Pati na ang mga pangangailangan ng ating asawa ay nakaligtaan! Maraming beses ay kinakailangan niyang ihanda ang kaniyang makakain o damit na malabhan o plantsa. Mga Misis, may mga kababaihan sa trabaho nila na naghahanap ng mga lalakeng napabayaan!

Kung tayo ay nagtatrabaho, wala tayo sa ating pintuan upang batiin ang ating asawa dahil sinundo natin ang ating mga anak mula sa day-care, naghabol ng gawain, nag-grocery. Maraming lalake ang namumuhay na tila sila ay walang asawa ng wala ang benepisyo ng kapayapaan at katahimikan. Ito kaya ay may kinalaman sa mga lalake na mas ginugustong manatili sa kanilang sariling lugar kaysa sa tahanan ng pamilya?

Natutukso ang tao. Kapag napagtanto ng mga mister na ang kanilang misis ay hindi na nakikinig, dahil ang babae ay nagmamadaling matapos ang mg gawain sa gabi upang maging handa para sa susunod na araw, ang temptasyon ay nag-aabang. Dahil ang mga lalake ay hindi nagsasabi sa ibang babae, nakakahanap sila ng “nakikinig, naaawa” na ibang babae. “Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan.” Santiago 1:14-15. Oo, kamatayan - kamatayan ng buhay may-asawa.

At sa oras na sabihin ng kaniyang asawa na siya ay aalis, ang babae mismo ang unang magsaasabing “mabuti pa” o “huwag kang magpatama sa pintuan sa iyong paglabas”. Mabilis niyang mahuhuli ang kaniyang sarili sa isang maliit, maduming apartment na umaasa sa bigay ng gobyerno para sa pagkain. Lahat ito ay nagsimula sa “pag-uwi ng maliit na kita”.

Maging sanhi ng pagkakasala. “Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito.” Lucas 17:2. Ang lugar mo ba sa trabaho ay masamng halimbawa para sa ibang kababaihan? May iba bang nakakakita ng napakagandang buhay na iyong tinatamasa at nagdesisyon na magbalik-trabaho dahil naging mabuti ito para sa iyo? O siya ba ay nagdesisyong manatili sa bahay ngunit ang asawa naman niya ay iniisip na siya ay “pabigat” dahil sinasabi ng asawa mo sa kaniyang asawa ang laki ng salapi na nauuwi mo?

Huwag dungisan ang higaan. Kung ikaw ay nagtatrabaho habang ang mga anak ay nasa eskwelahan, maaring wala ka sa tahanan pagdating nga iyong mga anak. Maraming iniisip na ito ay “tamang pagkakataon” upang magtrabaho (o mag-aral). Maraming kabataan ang nag-uubos ng oras sa harap ng telebisyon nanonood ng mga immoral na palabas. Huwag silang iwan sa lugar ng temptasyon. NAkakagulat ang mga aral na nagsasabing ang kama ng kanilang magulang ay nagiging lugar ng premarital sex ng mga kabataan habang ang kanilang mga magulang ay nagtatrabaho. Isipin ang Hebreo 13:4: “Maging marangal nawa sa lahat ang pagaasawa, at huwag nawang magkadungis ang higaan: sapagka't ang mga mapakiapid at ang mga mapangalunya ay pawang hahatulan ng Dios.”

Na kumakain ng tinapay ng mga pagpapagal. Marami ang nasulat para sa mga babae upang makuha ng mga babae ang kanilang mga mister na tumulong sa tahanan, dahil ang mga babae ay tumutulong sa pag-uwi ng kita. Ang lahat ay umaasanag gawin ang “kanilang bahagi” sa gawaing bahay. Kinumpirma ng mga aralin ang alam naman na ng lahat ng babae: bihira silang tumutulong. Ang mga babae ay nagpapakamatay upang gawin “lahat ito”. Mga kababaihan, sinabi ng Diyos na ang “pagkakaroon ng lahat” ay walang kabuluhan. “Walang kabuluhan na kayo'y bumabangon nang maaga, at malalim na ang gabi kung magpahinga, na kumakain ng tinapay ng mga pagpapagal; sapagkat binibigyan niya ng tulog ang kanyang minamahal.” Mga Awit 127:2.

Madaling mawala. Ang babaeng nagtatrabahe ay hindi magaling sa pera. Maraming ina ang pakiramdam na kinakailangan nilang magtrabaho sa labas ng tahanan upang matugunan lahat ng pangangailangan. Mas marami siyang kita, ngunit mas marami rin siyang ginagastos. Sa halip na bawasan ang gastos sa pagiging wais o sa kaniyang pag gawa ng mga bagay, kinakailangan niyang gumasto ng mas mahal. “Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pagpapayaman. Sa halip pigilan mo ang iyong sarili at isipin kung ano ang mabuti. Dahil ang kayamanan ay madaling mawala at tila may pakpak na lumilipad sa kalawakan tulad ng isang agila.”Kawikaan 23:4-5. Kung ikaw ay nagtataka kung saan napupunta ang pera, ito ay ilang halimbawa na nagbahagi ng kanilang karanasan sa pagtrabaho at pag gastos:

“Ang pagkaing binibili ko ay handa na o halos handa na, fast food o kaya mula sa restawran dahil mabilis at madali. Masyado na akong pagod upang magluto at pakiramdam ko ay karapatdapat akong magpahinga.”

“Hindi na ako namimili katulad ng dati. Ang mga damit ko ay binibili ko ng tingian imbis na sa mga naka-diskwento, sa mga bakuran o ukay, or tinatahi ko ng aking sarili. Hindi ko na naayos ang damit ng aking pamilya (pagtahi o pagplantsaa) tulad ng dati. Sa halip, pinamimigay ko na at bumibili na lamang ng bago.”

“Nakita kong mas kinakailangan ko ng maraming damit. Ang ibang damit ay para sa mga anak ko at asawa dahil hindi ko na kaya maglaba ng mas madalas tulad dati. Kinakailangan ko rin ng magandang damit para sa aking sarili na hindi ko naman kailangan gawin noon.”

“Ngayon na nagtrabaho na ako, inakala kong makakayanan na namin ang isang Kristyanong edukasyon para sa aming anak. Dati ay tinuturuan ko ang mga bata sa bahay; ngayon ay hindi ko na maaring gawin iyon.”

“Dati ay iisa lamang ang aming sasakyan. Nagrereklamo ako at inisip na magiging masyadong malaya. Ngayon ay may pangalawang sasakyan na kami na my dagdag bayarin, insurance, pang-maintain, at dagdag na gas. Hindi kami nakausad kahit papaano. Ngayon ay nagtatrabaho ako upang mabayaran ang sasakyan, ang asawa ko din ay inuutusan na akong gawin ang mga bagay na dating ginagawa niya para sa akin!”

“Akala namin ay mas malaki ang aming kita hanggang dumating ang pagbayad ng buwis. Nakita naming mas maraming pera ang binabayaran sa gobyerno, sa Social Security dahil nasa mas mataas na kaming antas ng buwis.”

“Nang dumating ang oras na babayaran na namin ang bantay pagkatapos ng eskwela ng aming anak at ang day-care, ang natitira lamang ay ang kalahati ng kita ng pinakamababang pasahod.”

Ituro nila ang mabuti. Kung ikaw ay nakatatandang babae na nagtratrabaho sa labas ng iyong tahanan, wala kang libreng oras upang magampananan ang tinuro sa inyong nakatatandang babae na magturo sa mga nakababatang babae. Sa Tito 2:3-5 sinabi, “Ganoon din sa mga nakatatandang babae: ... ituro nila ang mabuti, upang maturuan nila ang mga nakababatang babae na mahalin ang kanilang asawa at mga anak, marunong magpasya kung ano ang nararapat, malinis ang isipan, masipag sa tahanan, mabait, at nagpapasakop sa asawa, upang hindi mapintasan ang salita ng Dios na ating itinuturo.” Syempre alam natin na ang halimbawa ng isang babaeng gumagawa sa labas ng tahanan ay maraming nasasabi. Marami sa babae ay hindi naman kinakailangan ang pera; hindi lamang nila alam ang gagawin sa kanilang oras at pakiramdam nila ay nababaliw sila na ang kanilang nagretirong asawa ay nasa bahay sa lahat ng oras. Ito ay ilang halimbawa:

Sa halip na ubusin ang oras sa trabaho, bakit hindi tumulong sa nakababata, walang karanasang mga nanay? Madalas ay hindi siya natutulungan ng kaniyang sariling nanay. Kinakailangan niya ng mabuti, maka-Diyos na gabay at direksyon sa pag-aalaga at pagdidisiplina ng kaniyang mga anak. Ikaw ay may oras din para sa sarili mong anak o kaya ay manugang sa kaniyang pagluwal sa iyong mga apo.

Kung nanatili ka sa iyong tahanan, ikaw ay may oras upang buksan ang iyong tahanan upang magpatipon, para sa gabay ng kaluluwa, o “kanlungan” para sa nakakabatang mga babae na nakararanas ng mabigat na araw.

Maraming nakatatandang babae ang nagbabahagi ng makamundong paniniwala sa kasal at pagpapalaki ng mga bata. Ikaw ay mawawalan ng silbi sa iyong gabay sa kaluluwa dahil pinalibutan mo ang iyong sarili ng mga hangal na pananalita at makamundong pag-iisip.

Mga nakakatandang babae, may importanteng impluwensiya tayo sa pamamahagi ng maka-Diyos na karunungan, ngunit ito ay mawawala kung pipiliin ang makamundong pamamaraan kaysa ang pamamaraan ng Diyos. “Nakatatandang babae...ituro nila ang mabuti!” Tito 2:3.

Manghikayat ng walang salita. Ngunit paano kung sinabi ng kaniyang mister na siya ay dapat magrabaho? Una sa lahat, unawain ang lugar ng iyong asawa na iligtas ang araw. Siya ang tagapagligtas ng katawan. “Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, kung paanong si Cristo ang ulo ng iglesya, at siya mismo ang tagapagligtas ng katawan.” Efeso 5:23. Maraming beses ang mga babae ay nagmumungkahi na bumalik sa trabaho, magkaroon ng trabaho sa bahay, o magtipid. Manahimik ka! “Gayon din naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyong sarisariling asawa; upang, kung ang ilan ay hindi tumalima sa salita, ay mangahikayat ng walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kanikaniyang asawang babae; Sa pagkamasid nila ng inyong ugaling mahinhin na may takot.” 1 Pedro 3:1-2. Umupo ka, manahimik at magdasal. Hayaang ang asawa mo na gawin ang nasa isip niyang dapat gawin. Irespeto siya sa iyong pananahimik at pagsangayon sa kaniyang mga sinasabi. (Tingnan ang Aral 5, “Manghikayat ng Walang Salita.”)

Aking hinanap ang Panginoon. Ngunit paano kung sinabi ng iyong asawa na magtrabaho, o paano kung nagkamali ka ng sinabi mong babalik ka sa pagtrabaho, o paano kung iniwan ka ng asawa mo? “Aking hinanap ang Panginoon, at sinagot niya ako, At iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga katakutan. Sila'y nagsitingin sa kaniya, at nangaliwanagan: At ang kanilang mukha ay hindi malilito kailan man.” Mga Awit 34:4-5. Sa iyong paghanap sa Panginoon sa iyong pagkabalisa, madadagdagan ka ng biyaya ng pagliwanag ng iyong mukha!

Isa pa, nakakita ako ng tunay na surpresa. Si Larry Burkett na sumulat ng isang libro Women Leaving the Workplace. Ang mga testimonya ay nakakamangha! Ipapakita nito ang pagiging tapat ng Diyo sa mga misis. Lagpasan ang hakbang pinansyal na ibibigay ni Ginoong Burkett upang makabalik o manatili sa bahay. Manatili sa mga testimonya  dahil inspirasyon ito upang magtiwala sa Diyos at hindi umasa sa “gawa ng laman”. Ang makikita mo ay sumunod sa iyong asawa at magdasal! Ang Diyos ay ibibigay sa iyong puso na manatili o bumalik sa tahanan. Magdasal sa Panginoon na ibigay niya ang pagpanig ng iyong asawa, tulad ng ginawa Niya kay Daniel nang hindi ito nalagay sa kompromiso sa pagkain ng hari. Kamakailan lamang ipinagdasal ko ang babaeng sinabing hindi na siya kailanman magkakaanak; ngunit, ang Diyos ang may huling salita at siya ay nagbuntis. Siya at ang kaniyang asawa ay namuhay ng may dalawang pinaghuhugutan ng kita kaya ang kanilang mga pamilya ay pinilit siyang pag-isipan ang pananatili sa tahanan. Desperada, kinuha niya ang librong ito ngunit NASIRAAN NG LOOB dahil diniin ni Larry na kinakailangan ang “plano” at “pagtabi ng pera maaga pa lamang”! Sinabi kong TUMIGIL siya sa pagbasa at basahin lamang ang mga testimonya. Nahikayat sa kaniyang pananampalataya, nanganak siya, nanatili sa bahay at namumuhay ng mas mabuti kaysa ng dalawa ang kanilang kita! Ito ay ang gantimpala ng Panginoon para sa mga nagtitiwala sa KANIYA, hindi sa kanilang sarili o sa pangalawang kita!

Testimonya: Si Stella* ay pumunta sa samahan na may malaking problema. Ang kaniyang asawa na iniwan siya ay humihiling na bumalik siya sa trabaho. Ang anak ni Stella ay kakapasok lamang sa high school at matagal na niyang nasa plano na manatili sa bahay sa mahalagang bahagi ng kanilang buhay na ito.

Nang gabing iyon ay nagdasal kami ng iligtas siya ng Panginoon. Sinabi namin na sumunod siya sa kaniyang asawa at ihanda ang kaniyang biodata. Nang sumunod na linggo ay ibinahagi niya na kahit ano ang gawin niyang paghanap ay ni hindi siya makatanggap ng panayam (kahit na napakaganda ng kaniyang karanasan at sanggunian). Sa maraming linggo, pinatuloy namin ang pagdasal para sa kaniyang kaligtasan. Ang asawa ni Stella ay napapalapit sa kaniya habang napapansin na siya ay sinusunod nito. Nagsimula niyang pahinain ang kagustuhan nito na magtrabaho siya. Sinabi nitong babalik na siya sa kaniya at sa mga anak nila sa loob ng ilang buwan!

Ngunit, isang gabi nang pumasok ako ay narinig ko ang mga kababaihan na mataimtim nanamang nagdadasal. Nang sumali ako ay nagulat ako sa aking narinig. Iba naman ang pinagdadasal ni Stella at ng iba. Pinagdadasal nila na makakuha siya ng trabaho sa isang sikat na law firm na kinapanayam siya ng umagang iyon. Tinanong ko si Stella at ang grupo, ngunit sigurado silang ito ay kagagawan ng Panginoon.

Nakuha nga ni Stell ang kaniyang matanyag na trabaho. Nagtratrabaho siya sa siyudad at may bagong istilo ng buhok at marangyang pananamit. Pitong taon na mula ng sinabi ng kaniyang asawa na ito ay uuwe. At kung hindi pa sapat ang nakakalungkot na bagay na ito, isa sa kaniyang anak ay nasangkot sa gulo sa huling taon ng high school at ang isa pa ay nasangkot sa isang matandang diborsyadong lalake ng sumunod na taon.

Testimonya: Si Bobbie* ay natitiwala sa Panginoon para sa kanyang buhay may-asawa at na kaniyang matutunan ang pagiging masunuring asawa, kahit na ang kaniyang asawa ay namumuhay kasama ang ibang babae. Isang gabi sinabi ng kaniyang asawa na kailangan niyang ibenta ang kotse ni Bobbie upang makatulong sa pagbayad sa mga utang nito. Pinangako naman niya na bibigyan siya ng ibang sasakyang magagamit. (Ang kotse ay regalo mula sa nanay ni Bobbie, nasa magandang kondisyon at bayad na.) Sa pagpapasakop, sumunod si Bobbie at naglagay sa kaniyang kotse ng karatula ng kaniyang numero. Ngunit, pinagdasal niyang ang kotse ay “hindi maibebenta!” Bawat linggo ay namamangha ang kaniyang asawa na ni isa ay walang tumawag at nagtanong ukol sa sasakyan. Nagdesisyon sya na ilagay ang presyo nito sa karatula at babaan bawat linggo. Gayunpaman, wala pa rin. Isang gabi pinahayag niyang hindi kapanipaniwala na walang may gusto ng magandang sasakyang ito. Sinabi niya kay Bobbie na ginawan na niya ng paraan at maari nang alisin ang karatula mula sa bintana nito.

Nakay Bobbie pa rin ang sasakyang prinotektahan ng Panginoon. Labinlimang taon na ito at sabi ng mekaniko ay maraming maraming milya pa ang itatakbo nito. Sinabi niyang nasa kaniya pa rin ito dahil isa itong paalala ng katapatan ng Diyos!

Na gaya ni Sara na tumalima kay Abraham. “Sapagka't nang unang panahon, ay ganito naman nagsigayak ang mga babaing banal na nagsiasa sa Dios, na pasakop sa kanikaniyang asawa; Na gaya ni Sara na tumalima kay Abraham, na kaniyang tinawag na panginoon: na kayo ang mga anak niya ngayon, kung nagsisigawa kayo ng mabuti, at di kayo nangatatakot sa anomang kasindakan.” 1 Pedro 3:5-6. Kung ang asawa mo ay nagnanais ng mas maraming kita, sundin ang mga hakbang na ito.

Una, ikalawa at ikatlo, kailangan mong magdasal, magdasal at manatiling nagdadasal! Lumapit sa Diyos a baguhin ang puso ng iyong asawa, ibigay ang pera na kinakailangan at tulungang bawasan ang mga bayarin. Ang utang ay tunay na problema, kaya’t magdasal na makalaya sa utang.

Kung ang asawa mo ay ipinipilit pa rin ang iyong pagtrabaho, magdasal na magkaroon ng kita nang hindi umaalis sa tahanan. Tanungin ang iyong asawa kung magkano ang kinakailangang kita para sa mga bayarin. Ang ibang kababaihan ay kinayang palakihin ang kita ng pamilya ng hindi lumalabas ng tahanan, nang hindi dinadala ang mga bata sa daycare at hindi sinusuway ang utos ng kanilang asawa. Muli, tanungin ang Diyos para sa karunungan at direksyon. Gagabayan ka Niya at susuportahan ka niya upang maging masunurin sa iyong asawa at masunurin sa Kaniyang Salita na maging “tagapamahala ng tahanan.”

Upang ipakita ang Kaniyang kapangyarihan. Ang pinaka importante, ilagay ang iyong puso sa pananatili sa tahanan. Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nagpaparoo't parito sa palibot ng buong lupa, upang ipakita ang kanyang kapangyarihan alang-alang sa kanila na ang mga puso ay tapat sa kanya…” 2 Cronica 16:9.

Babala: Huwag tumanggap ng ibang bata bilang isang “day-care” para sa ibang babaeng nagtatrabaho upang madagdagan ang kita mo! Hinihikayat moa ng ibang kababaihan na manatili sa kanilang trabaho kung saan andoon lahat ng makakasira sa kanilang pamilya. Isa pa, mas sigurado sila na ang kanilang mga anak ay nasa pangagalaga ng isang “mabuting Kristiyanong babae.” Huwag kang magpapaloko na isiping “kung kinakailangan nilang magtrabaho, ang kaniyang mga anak ay karapatdapat na makatanggap ng alaga mula sa isang Kristiyano.” Basahin ang librong Who Will Rock the Cradle? (Basahin ang Minumungkahing Basahin sa pahina 177.) Kung ang isang babae ay tinanong ka tungkol sa pagbabantay mo sa iyong mga anak habang siya ay nagtatrabaho, tulungan mo siya pansamantala bilang batayan sa panghihikayat sa kaniya na manatili sa tahanan.

May umakay sa kaniya pabalik sa tamang landas. Kunin ang pagkakataon bawat araw sa isang babaeng may trabaho na ibahagi ang kasiraan ng kaniyang tahanan dahil sa pagtrabaho sa labas, lalo na kung may maliliit siyang mga anak. “Mga kapatid ko, kung sinuman sa inyo ay naligaw mula sa katotohanan, at may umakay sa kanya pabalik sa tamang landas, dapat niyang malaman na sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan tungo sa tamang landas ay nagliligtas ng isang kaluluwa mula sa kamatayan at maghahatid sa kapatawaran ng maraming kasalanan.” Santiago 5:19-20. Ipaalala na ang isang bata ay kinakailangan ang kaniyang sariling ina; ang iba ay huwad! Alalahanin, ang Satanas ay may akda ng lahat ng huwad. Magnanakaw siya! Huwag ilaglag ang iyong sarili bilang isang huwad na ina.

May kapayapaan. Maraming babae ang tumatangkilik sa day-care sa kanilang tahanan at nagsakripisyo sa pangangailangan ng sarili nilang mga anak at pamilya. Ang kanilang mga anak ay nakakakuha ng mga nakakapanirang impluwensya at nakakahawang sakit. Ang katahimikan sa kanilang tahanan ay tunay na nawasak. “Kahit tinapay ang kinakain ngunit may kapayapaan, mabuting di hamak kaysa malaki ngunit magulong handaan.” Mga Kawikaan 17:1.

Tagapangasiwa

Utang. Siguradong ang pinakadahilang na kinakailangan magtrabaho ng mga kababaihan ay dahil sa isa tayong lupon na nagkakautang. Imbis na maghintay para sa mga bagay na gusto natin, bumibili tayo kahit utang. Imbis na mamuhay sa pamamaraang kaya natin, namumuhay tayo ng higit dito. Roma 13:8 ay nagsasabing “Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan.”

Mawalan ng utang. Dapat tayong magdasal at kumilos kasama ang Diyos upang mawalang ng mga utang. Ito dapat ang nais ng ating mga puso (pati ng ating mga dasal). Kung ang asawa mo ay hindi sumasang-ayon, simulan mo. Tumigil ka at siguraduhing lahat ng bibilihin ay ang mga pangangailangan lamang. Tingnang kung maayos pa ang mga bagay na pakiramdam mo ay dapat nang palitan. Ang importante ay maghintay! Isa pa, huwag kalimutang ipagdasal na magbago ang puso ng iyong asawa na mawalan ng utang. Hangga’t hindi natin ito natatamasa, tayong mga kababaihan ay “mapipilitan” (o napipilitan na) magtrabaho. “Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at pumuksa. Ako'y pumarito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan.” Juan 10:10. Ito ang plano ni Satanas, maagaw ang iyong anak (papunta sa daycare), hatiin ang iyong tahanan (dahil sa dalawang nagtrabaho) at sa wakas ay sirain ang iyong pamilya (diborsyo).

Ngunit magastos siya. Maraming babae ang sinisisi ang kanilang mga asawa dahil sa kaniyang pagiging magasto. At kadalasan ito ay totoo. Ngunit hindi natin iyon problema; ito ay sa Panginoon dahil hindi tayo nakakahigit sa ating mga asawa. “Subalit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos.” 1 Corinto 11:3. Manahimik (manalo ng hindi nagsasalita) tungkol sa kaniyang paggastos. Bigyan siya ng respeto na iniutos ng Diyos. “Kayong mga babae, magpasakop kayo sa asawa ninyo, upang kung ang asawa ninyoʼy hindi pa naniniwala sa salita ng Dios, maaaring madala nʼyo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita.” 1 Pedro 3:1. Isa pa, siguraduhing ang troso ay wala sa iyong mata. Ikaw ba magastos din?

Testimony: Si Shari* ay natutunan ang konsepto ng makaalis sa mga kautangan mula sa isang seminar ni Bill Gothard. Ngunit hindi sya ang magastos sa kanilang pamilya. Ang kaniyang asawa, na iniwan siya, ang magastos. Subalit, gusto ni Shari na gawin kung ano ang magagawa niya at iiwan ang kaniyang asawa sa kamay ng Panginoon. Ginagamit niya ang linya mula sa 1 Corinto 7:14, “Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa…..”

Nang kinakailangan niya ng damit panloob parasa isa niyang mga anak at pampagupit para sa kaniyang sarili, lumapit siya sa kaniyang asawa. Sinabi niya na gamitin ang credit card dahil “mahigpit” ang mga bagay. Marahan niyang sinabi “kung isipin, maaring makahintay ang pagpapagupit ko at pwede namang ayusin pa ang damit panloob.” Nagtataka, tinanong niya kung bakit hindi na lamang gamitin ang credit card. Magalng niyang sinabi ang natutunan niya sa seminar at ang pagnais na hindi na ilubog pa sa utang ang kaniyang asawa. Sinabi ng asawa niya na “okay” lang talaga, pero siya ang bahala.

Kinuha ni Shari ang pagkakataon na ibigay sa kaniyang asawa lahat ng credit card (isang hakbang ng pananampalataya). Ngunit biniyayaan ng Diyos ang kaniyang pamilya at ngayon ay nagkabalikan na sila at kumikilos patungo sa pagkawala ng kautangan. Sinabi ng kaniyang asawa na, nang hindi niya binili ang damit panloob o ang pagpapagupit dahil sa kaniyang paniniwala na hindi na gagamit muli ng credit card, sigurado siyang naloko na ito! Papuri sa Panginoon dahil ang kaniyang asawa ay sumali na rin sa pagkaloko!

Kuntento. Bilang kababaihan ay dapat simulan nating ang pagiging kontento at mamuhay sa kung ano ang meron at ang nabibigay ng ating asawa. “Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko.” Filipo 4:11. “Kaya kung mayroon na tayong pagkain at pananamit, dapat na tayong makontento.” 1 Timoteo 6:8. Dahil tayo ay kuntento, matutulungan natin ang ating asawa na magampanan ang linyang: “Ang sinumang hindi kumakalinga sa sariling kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa mga hindi mananampalataya.” 1 Timoteo 5:8.

Pananampalataya. Tayong mga kababaihan ay dapat may pananampalataya ng ang Diyos ay ibibigay ang ating mga pangangailangan. (Kadalasan pati ang ating mga gusto!) Kung tayo lamang ay makapaghihintay! “Magtiwala kayo sa Panginoon! Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa. Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!” Salmo 27:14.

Pag-ibig sa pera. Minsang sinabi ni Dr. McGee na hindi pera ang masama, ngunit ang “pag-ibig” sa pera. “Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ang siyang ugat ng lahat ng kasamaan. Ang sobrang paghahangad ng salapi ang nagtulak sa iba na tumalikod sa pananampalataya at nagdulot ng maraming paghihinagpis sa buhay nila.” 1 Timoteo 6:10. “Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo…” Hebreo 13:5. Ang pinakamalalaking patibong kung may “pag-ibig sa pera” ay:

Lalong paglubog sa utang. Kung ang babae ay nagsimulang magtrabaho, imbis na mawalan ng utang, ang mag-asawa ay lalong nalulubog sa utang. Mas maraming pinamimili at tinataas ang kalidad ng buhay. “Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pagpapayaman. Sa halip pigilan mo ang iyong sarili at isipin kung ano ang mabuti. Dahil ang kayamanan ay madaling mawala at tila may pakpak na lumilipad sa kalawakan tulad ng isang agila.” Kawikaan 23:4-5.

Pakiramdam na hindi makaalis. Maraming lalake, na mahuhulog sa bitag na imoralidad sa trabaho, ay nagpahayag ng kagustuhan na umalis sa trabaho ngunit pakiramdam nila ay hindi sila makaalis dahil sa utang. “Iwasan ninyo ang imoralidad. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakakasira sa katawan, ngunit ang gumagawa ng imoralidad ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan.” 1 Corinto 6:18. Sa Restore Ministries nakikita namin na karamihan sa mga lalakeng nakikiapid ay ginawa ito sa pinagtratrabahuan. Maaring wala silang lakas sa kanilang kaluluwa na “tumakas” kung ang kanilang pamilya ay umaasa sa kanilang sahod. Si Jose ay may lakas sa kaniyang kaluluwa, ipagdasal natin ang ating mga asawa na magkaroon nito. “Walang anu-ano'y hinablot ng babae ang kanyang balabal at sinabi, “Halika't sipingan mo na ako!” Patakbo siyang lumabas ngunit naiwan ang kanyang balabal sa babae.” Genesis 39:12.

Tumigil sa pamimili. Isa sa paraan upang tumigil sa pamimili ay magtapon. Basahin ang librong Clutter's Last Stand ni Don Aslett. Habang nakikita mong ang iyong mga gamit bilang basura, titigil ka sa pamimili ng mga bagay na hindi kailangan. Gumana ito sa akin!

Ngunit ang PANGINOON ay tumitingin sa motibo. Ipagdasal ang iyong asawa upang magawa at kayaning suportahan ang inyong pamilya. Isa sa mga dahilan kung bakit hindi buo ang kaniyang suporta ay dahil ikaw ang namamahala ng mga bayarin. Ang lalake ay nahubaran sa kaniyang pagkalalake kung ang babae ang namamahala ng mga bayarin. Hindi alam ng lalake kung magkano ang pumapasok at magkano ang lumalabas. Kung siya ang namamahala, maaring mas maging masipag siya kumita o magabawas sa inyong mga gastusin.

Maraming kababaihan ang hindi kumportable kung ang kanilang mister ang may hawak sa mga bayarin. Masyadong malaking pagpapasakop kaysa sa gusto nila. Karamihan sa babae ang hindi gugustuhin na alam ng kanilang asawa kung magkano ang nagagastos o kung saan nagagastos ang pera. Mas nais nilang sila ang may “kontrol” sa pera. Isa itong malaking pagkakamali. Maaari nating sabihin na hawak natin ang kaperahan dahil mas magaling tayo sa mga numero, mas may oras , o mas responsable, ngunit sinabi sa Mga Kawikaan 16:2 “Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa sarili niyang mata, ngunit tinitimbang ng Panginoon ang diwa.” Kinakailangan nating magpailalim sa awtoridad ng ating asawa sa lahat ng bagay! “Subalit kung paanong ang iglesya ay napapasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng mga bagay.” Efeso 5:24. Magtiwala sa Salita at subukang ang asawa ang mangasiwa ng kaperahan ninyo. Tingnan mo kung hindi siya magiging mas masinop na magtrabaho at mas responsableng lalake para mahalin mo at irespeto.

Testimonya: Sina Debbie* at Nancy* ay sabay sa eskwela. Nagpakasal sila isang linggo lamang ang pagitan. Ngunit, ibang-iba ang isip nila patungkol sa kung sino dapat ang may kontrol sa kaperahan. Parehong asawa nila ay irresponsable sa pera. Si Debbie ay nagdesisyon na kung sila man ay makakausad, kailangan niyang pamunuan ang lahat. Si Nancy naman ay nakikita ang pagkawasak na nangyari ng siya ay tumatanda nang hawak ng inay niya ang checkbook at mga bayarin. Kaya alam niyang marahil ay may ibang plano ang Diyos.

Ang mga babaeng ito ay kasal na sa loob ng labingwalong taon. Si Debbie ay parating nagtatrabaho at nakatira pa rin sa condo kung saan sila tumira pagkakasal. Minsan, sa kaarawan ni Debbie, tinanong ni Nancy ang asawa ni Debbie kung ano ang ibibigay nito para sa kanyang kaarawan. Hiyang hiya nitong sinabi na wala siyang paraan upang mabigyan siya ng kahit ano. Sinabi nito na kung siya ay humingi ng pera, tatanungin siya nito “para saan?”; at sasabihin laman niya na wala siyang kailangan at dun na matatapos ang usapin. Ang asawa niya ay may mabuting puso. Pumunta siya sa tindahan kung saan nagtatrabaho si Debbie bilang kahera at binilhan siya ng tungkos ng bulaklak; ito lamang ang paraan niya upang masurpresa si Debbie.

Alam ni Nancy na tama ang daang tinahak niya. Ang kaniyang asawa ang mag-isang bumubuhay sa kanila sa loob ng napakaraming taon at may malaki silang tahanan at lupa para sa kanila at kanilang mga anak. Ang karagdagan pa dito sa prinsipyong nakabase sa Bibliya, kahit na hindi niya alam na ito ay naka base sa Bibliya, ay siya ay isang nabiyayaang babae! Marami siyang alahas, magagandang damit at mink coat. Sabi niya ay hindi niya kailanman bibilihan ang sarili ng magagarang kagamitan, ngunit pinipilit ng kaniyang asawa! Sinabi niya rin na wala siya ni minsang gabi na hindi nakatulog dahil sa kakulangan sa pera, kahit na minsan ay nagigipit din sila.

Maaring hindi mo gusto ng alahas o mink coat, ngunit sigurado akong gusto mo ng asawa na pinakikitang kung gaano ka niya kamahal at pinapasan ang bigat sa iyong buhay!

Lingkod ng lahat. Maraming babae anng pakiramdam na hindi nila nagagamit ang mga talentong handog ng Diyos sa kanila kung nanatili sila sa tahanan upang pangalagaan ang kanilang asawa at mga anak. Ngunit hindi ito ang mensahe ni Kristo. “At siya'y naupo, at tinawag ang labingdalawa; at sa kanila'y sinabi niya, Kung sinoman ang ibig na maging una, ay siyang mahuhuli sa lahat, at lingkod ng lahat.” Marcos 9:35. Nagsalita si Hesus sa kanyang mga apostol habang sila ay nagkukumpetensya kung sino ang pinaka magaling. Sinabi mismo ni Hesus “ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod” (Mateo 20:28). SI Hesus ay maaring kung ano man ang nais Niya ngunit “pinili” niyang magsilbi. Marami kang talento. Susunod ka ba kay Hesus sa kaniyang pagsisilbi? Siguradong walang ibang mas mabuti kundi ang magsilbi bilang isang asawa at ina, kung iisipin ang Salita ni Hesus. Sinabi Niyang tayo ay “Magaling”!

Dasalin nating lahat ang Mga Awit 37:4-9 ng malakas: Mga Awit 37:4-9 “Sa Panginoon mo hanapin ang kaligayahan, at ibibigay niya sa iyo ang ninanais mo. Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong ginagawa; magtiwala ka sa kanya at tutulungan ka niya. Ihahayag niya nang malinaw na ikaw ay matuwid at makatarungan, kasingliwanag ng sinag ng araw sa katanghaliang tapat. Pumanatag ka sa piling ng Panginoon, at matiyagang maghintay sa gagawin niya. Huwag mong kaiinggitan ang masasama na gumiginhawa, kahit pa magtagumpay ang masasamang plano nila. Huwag kang magagalit. Pigilan mo ang iyong poot. Ni huwag kang mababalisa, dahil ito sa iyo ay makakasama. Ang masama ay ipagtatabuyan, ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay mananatili sa lupaing ito.”

Ibalik sana ng Diyos at panatilihin ang mga Kristiyanong babae sa tahanan!

Personal na pangako: Na sundin ang utos ng Diyos na maging manggagawa sa tahanan at turuan ang mga nakababatang babae. “Base sa natutunan ko mula sa Salita ng Diyos, nangangako akong magdasal na manatili o makabalik sa tahanan. Ako ay magiging kaagapay ng sarili kong asawa. Tuturuan at sasanayin ko ang aking mga anak. Papahalagahan ang tahanang binigay ng Diyos sa akin at alagaan ito. Ibabahagi ko ang Katotohanan kasama ang ibang babae at ipagdasal ang kanilang pagbabalik sa tahanan.”

Babala: Maging maingat sa mga multilevel marketing (networking o pyramiding) na konsepto, lalo na ang mga nagsasabing may malaking pera kahit na kaunti lang ang trabaho. “Siyang may masamang mata ay nagmamadali sa pagyaman, At hindi nakakaalam, na kasalatan ay darating sa kaniya.” Mga Kawikaan 28:22. Maraming grupo ang magsasabi na maraming tao ang sumasali lamang,  ngunit sinabi ng Mga Kawikaan 13:11, “Ang kayamanang tinangkilik sa walang kabuluhan ay huhupa: Nguni't siyang nagpipisan sa paggawa ay mararagdagan.” Ang pinaka nakakabilasang bagay sa multilevel marketing ay ang paraan kung paano abusuhin ng mga tagapayo nila ang pagkakaiigan. Ilang gabi lamang ang nakaraan ng makatanggap ako ng isang tawag mula sa lalakeng hindi ko kilala. Sinabi niyang nakilala na niya ang pamilya namin sa isang pulong sa tahanan ilang taon na ang nakalipas. Pinuri niya ang mga anak ko, nangyari ito sa loob ng maraming minuto, pati na ako. Matapos ay napagtuntunan ko ang tunay na dahilan ng kaniyang tawag: mayroon siyang negosyo at naghahanap siya ng mga taong mahuhusay tulad ng asawa ko at sarili ko. Maraming beses na itong nangyari dati. “Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig; Ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan; Ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan; Sila'y nanganunuya ng kanilang dila.” Mga Awit 5:9.

Kung handa ka nang mangako sa DIYOS na tapusin ang kursong ito, sa PAGPINDOT RITO, sumasang-ayon ka sa Personal na pangako, at handa ka nang itala sa kasulatan ang susunod na hakbang patungo sa iyong Lakbay ng Panunumbalik sa iyong form ng "Pang-Araw Araw na Tala". Huwag kang magmadali, maupo, kunin ang iyong kape o tsaa, at ibuhos ang iyong puso sa iyong Talaarawan.

Isa pa, kung nais mong may ma-kaparehang ePartner na TULAD MO MAG-ISIP matapos ang iyong Pagbuo, SIGURADUHIN na ibuhos ang iyong puso sa BAWAT aralin.