Kabanata 4 "Iba’t Ibang Pagsubok"
Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong mapagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan.
—Santiago 1:2-3
Ano ang hangarin ng Diyos sa ating mga pagsubok at pagdadalamhati? Maraming Kristiyano ang walang ideya kung bakit pinapahintulutan ng Diyos ang ating mga paghihirap. Kung wala ang pang-unawang ito, nakakapagtaka ba kung bakit ang mga Kristiyano ngayon ay madaling sumuko o talunin? Makikita natin na maraming kapakinabangan na nagmumula sa ating mga pagsubok, lalo na sa pagkabuo ng ating pananampalataya at ng katatagan na kailangan upang tapusin ang kurso na nasa harap natin.
Ang pinakaimportanteng bagay na kailangan nating matanto sa ating mga pagsubok, paghihirap at temptasyon ay ang Diyos ang may kontrol! Ang Kanyang kamay ang nagpapahintulot sa mga pagsubok upang salingin o di tayo salingin. Kapag hinayaan Niya ito, ibinibigay Niya ang Kanyang pagpapala o biyaya na nagpapatatag sa ating upang malampasan ang mga ito.
Pahintulot sa kasamaang-palad. Ang isa sa pinakamagandang isaisip natin ay hindi tayo maaaring galawin ni Satanas ng walang pahintulot ng Diyos. “Sinabi ni Yahweh kay Satanas, ‘O sige, gawin mo ang gusto mo sa kanyang ari-arian, huwag mo lamang siyang sasaktan” (Job 1:12). Hindi lamang kailangan ni Satanas ng pahintulot, binibigyan din siya ng alituntunin kung paano niya tayo gagalawin. “Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas at ipinahintulot naman sa kanya, na kayong lahat ay subukin” (Lucas 22:31).
Mga tukso o pagsubok. Ang mga tukso na ating pinagdaraanan, ayon sa Bibliya, ay karaniwan sa tao, gayunman ang Diyos ay nagbibigay ng paraan ng pagtakas. “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na di dinanas ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at di Niya ipahihintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan Niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1 Corinto 10:13). Hindi ka Niya aalisin sa apoy hangga’t hindi ka handang lumakad dito, tiisin at pagtagumpanyan ito!
Ang mga tukso ay dala ng ating sariling kahalayan o pita. Ang pita ay kung ano ang gusto NATIN. Isa pa, hindi tayo pwedeng tuksuhin ng Diyos na gumawa ng kasamaan, sa halip, ang ating mga kahalayan ang tumutukso sa atin na gawin ang alam nating hindi natin dapat gawin! “Huwag sabihin ninuman kapag siya’y dumaranas ng pagsubok na tinutukso sya ng Diyos. Sapagkat ang Diyos ay hindi matutukso ng masama at hindi naman niya tinutukso ang sinuman. Natutukso ang tao kapag siya’y naakit at napatangay sa sariling pita” (Santiago 1:13). Ang mga babae ay sinisita ang pita ng kanilang asawa (pambabae, bawal na gamut, alak or pornograpiya), subalit hindi nila nakikita ang kanilang pita sa pagkain, pamimili o pati ang kanilang buhay may-asawa! Ang pita ay pita—pagnanasa sa kung ano ang GUSTO NATIN!
Tayo ay nasa Kanyang kamay. “Ang lahat ng ito ay mataman kong pinag-aralan at nalaman kong lahat ng kilos ng matuwid at ng matalino ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos maging pag-ibig o pagkapoot” (Mangangaral 9:1). Nakakagawa tayo ng pagkakamali na pinipilit nating makamtan ang mga bagay mula sa iba, lalo na sa ating asawa, gayong ang LAHAT na ating natatanggap ay mula sa Panginoon!
“Marami ang lumalapit sa hari upang humingi ng tulong, ngunit sa lahat ng bagay, ang nagpapasiya’y ang Panginoon” (Kawikaan 29:26).
“Ang kabayo’y naihahanda para sa digmaan, ngunit buhat kay Yahweh ang bawat tagumpay” (Kawikaan 21:31).
“Isinasagawa ng tao ang palabunutan, ngunit buhay kay Yahweh ang kapasiyahan” (Kawikaan 16:33).
“Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari at naibabaling niya ito kung saan igawi” (Kawikaan 21:1).
Pagsisisi at pagkaligtas. “Gayunma’y nagagalak ako pagkat ang kahapisang yaon ang umakay sa inyo upang pagsisihan at talikdan ang inyong pagkakasala. Ang gayong uri ng kahapisan ay buhat sa Diyos, kaya’t hindi kayo napasama dahil sa amin. Sapagkat ang kahapisang buhat sa Diyos ay nagbubunsod sa inyo upang magsisi at magbago sa inyong ikaliligtas” (2 Corinto 7:9-10). Ipinapahintulot ng Diyos na tayo ay mag-hinagpis upang tayo ay magsisi. Kapag gumagawa tayo ng paraan para pagsisihin ang ating asawa (at iba pang tao) sa kanilang mga nagawa, hindi ito magbubunga ng totoo at tunay na pagsisisi, sa halip PATITIGASIN nito ang kanilang puso para sa atin at sa Diyos!
Kailangan natin ang pagpapala o tulong. “Ganito ang Kanyang sagot, ‘Ang tulong ko’y sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.’ Kaya’t buong galak na ipamamapuri ko ang aking kahinaan upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Kristo. Dahil kay Kristo, walang halaga sa akin kung ako’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas” (2 Corinto 12:9-10). HINDI KAILANMAN mo matatamo ang restorasyon hangga’t hindi ka nagpapakita ng kakuntentuhan sa iyong mga pagsubok.
Kagulat-gulat na Pagpapala
Paano natin makakamtan ang pagpapala na kailangan natin upang malampasan ang ating mga pagsubok? Sa pamamagitan ng pagpapakumbaba.
“Ang Diyos ay laban sa mga palalo, ngunit tumutulong sa mga mapagpakumbaba” (Santiago 4:6).
“Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas” (Lucas 18:14).
“Mapalad ang mapagpakumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos” (Mateo 5:5).
“Ang magbabagsak sa tao’y ang kanyang kapalaluan, ngunit ang mapagpakumbaba ay magtatamong karangalan” (Kawikaan 29:23).
Ang pagyayabang tungkol sa ating mga kahinaan, pagkumpisal sa ating mga pagkakamali at ang pagiging mapagpakumbaba ang magdudulot sa Banal na Espiritu upang manirahan sa atin. Pagkatapos, tayo ay matututong maging kuntento kahit na ano pa ang kalagayan. Kapag tayo ay kuntento na, maipagkakaloob na ng Diyos ang ating hinahangad—ang pagbabalik ng ating asawa!
Pagkatuto ng kakuntentuhan o kasiyahan. Makikita natin na dapat tayong matuto ng kakuntentuhan sa mga mahihirap na pangyayari na ipinahintulot ng Diyos. “Sinasabi ko ito hindi dahil sa kayo’y hinahanapan ko ng tulong. Natutuhan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan. Natutuhan ko ng harapin anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan” (Filipos 4:11-12).
Pagkatuto ng pagsunod. Kahit si Hesus ay natuto ng pagsunod mula sa Kanyang pagtitiis. “Bagama’t siya’y Anak ng Diyos, natutuhan Niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis” (Hebreo 5:8).
Tayo ay lulubusin Niya. “Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Kristo Hesus” (Filipos 1:6). Kapag may naumpisahan Siyang mabuting gawa sa iyo (sa iyong asawa o mga mahal sa buhay), ito ay kukumpletuhin Niya. At pakiusap lang, huwag mong tangkaing gumanap na “junior holy spirit” sa iyong asawa!
Tayo ay magbigay ginhawa o aliw sa iba. Hindi lamang tayo tatanggap ng kaginhawaan mula sa Diyos—tayo ay inatasan na magbigay ng kaginhawaan sa iba, kahit ano pa ang ating kasawian!
Tayo ay magpapaginhawa sa iba. Hindi lamang natin tatanggapin ang kaginhawaang bigay ng Diyos—naatasan din tayong magbigay ginhawa sa iba, kahit ano pa ang kanilang kapighatian! “Ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan, inaaliw Niya tayo sa ating mga kapighatian upang makatulong naman tayo sa mga namimighati sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa Kanya” (2 Corinto 1:3-4).
Ang disiplina ng ating Ama. Madalas ang ating pagtitiis o paghihirap ay disiplina sa hindi pagsunod sa Utos ng Diyos. “Anak, huwag kang magwalang-bahala kapag itinutuwid ka ng Panginoon. At huwag panghinaan ng loob kapag ikaw ay pinarurusahan Niya. Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig Niya, at pinapalo ang itinuturing Niyang anak. Tiisin ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagkat ito’y nagpapakilalang kayo’y inari ng Diyos ng kanyang mga anak. Sinong anak ang hindi itinuwid ng kanyang ama? Kung ang pagtutuwid na ginagawa sa lahat ng anak ay di gawin sa inyo, hindi kayo tunay na anak kundi mga anak sa labas. Tangi sa riyan—pinarurusahan tayo ng ating ama sa laman, at dahil dito’y iginagalang natin sila. Hindi ba lalong nararapat na tayo’y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu upang mabuhay tayo? Sa loob ng maikling panahon, itinutuwid tayo ng ating magulang, ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit itinutuwid naman tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo’y maging banal tulad Niya” (Hebreo 12:5-10). Kapag may pagsubok na dumating sa iyo, tanungin mo ang sarili mo, “Ito ba ay pagtutuwid o pagdidisiplina ng Diyos, o ako ba ay sinusubukan Niya upang tingnan kung paano ako kikilos?”
Ang disiplina ay biyaya. Dapat nating tularan ang halimbawa ng mga propeta sa Bibliya upang tulungan ang iba na malampasan ang kanilang pagsubok. “Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa ngalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. Sinasabi nating mapalad ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Ito’y nagpapakilalang mabuti at mahabagin ang Panginoon” (Santiago 5:10-11).
Upang makatanggap ng pagpapala. Kapag may kasamaang ginagawa sa atin o may mga insulto na ibinabato sa atin, dapat natin itong tiisin, ng hindi gumaganti, para matanggap ang ating biyaya o pagpapala. Kailangan nating tandaan na ang mga insulto at kasamaan ay dumarating sa ating buhay upang bigyan tayo ng “pagkakataon” na makatanggap ng pagpapala. 1 Pedro 3:9 ay nagsasabi “Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong alipustain ang umaalipusta sa inyo. Sa halip, ipanalangin ninyong sila’y pagpalain yamang hinirang kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos.” “At sakali mang pag-usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag kayong matakot sa kanilang mga banta at huwag mabagabag” (1 Pedro 3:14). Kung patuloy kang gaganti sa pamamagitan ng insulto o isa pang kasamaan, huwag umasa na pagpalain.
Ang pagtutuwid ay maaaring puno ng hinagpis. Ang disiplina ay hindi kailanman masaya kapag ikaw ang dumaranas nito. Pero yaong mga nasanay na ng Kanyang pagtutuwid ay alam ang mga gantimpala ng matuwid na pamumuhay—kapayapaan at ang nabuong buhay may-asawa. “Habang tayo’y itinutuwid hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis. Ngunit pagkaraan niyon, lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay” (Hebreo 12:11).
Ito ay nagsisimula sa mga Kristiyano. Bakit kailangang magsimula sa mga Kristiyano ang pagdurusa? Dahil ang mga makasalanan at di-masunuring Kristiyano ay hindi mailalapit ang iba sa Panginoon. Muli, “kalooban ng Diyos” na tayo ay dumanas ng pagdurusa. Kailangan natin na hayaan o ipahintulot ang ating mga sarili na magdusa (kadalasan sa mga kamay ng iba, kahit na ang ating asawa) sa pamamagitan ng pagtitiwala ng ating mga sarili sa Diyos. “Dumating na ang panahon ng Paghuhukom, at ito’y sa mga hinirang ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano ang magiging wakas nito sa mga hindi sumusunod sa Mabuting Balita ng Diyos?” (1 Pedro 4:17).
Ang lakas ng ating pananalig. Ang ating pananalig ang magbubukas ng pinto sa mga himala. Kailangan mong maniwala na kaya Niyang buoin o ayusin ang iyong buhay may-asawa, at huwag mag-alinlangan, sa iyong puso. “Sumagot si Hesus, ‘Manalig kayo sa Diyos.’ Tandaan ninyo ito: kung sasabihin ninuman sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan; tumalon ka sa dagat,’ na hindi siya nag-aalinlangan kundi nananalig na mangyayari ang sinabi niya, ito’y gagawin ng Diyos para sa kanya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo” (Marcos 11:22-24).
Ang Diyos sa Kanyang Salita ay sinabi na sa atin na tayo ay magdurusa. “Sapagkat ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo’y uusigin—at siya ngang nangyayari. Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpasugo ako upang makabalita tungkol sa kalagayan ngayon ng inyong pananalig sa Panginoon. Nag-aalala akong baka nalinlang na kayo ng diyablo; pag nagkagayo’y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal” (1 Tesalonica 3:4-5). Ang nangyari na sa iyong buhay may-asawa ay HINDI sinyales na ito ay tapos na. Ito ang ginamit ng Diyos upang makuha ang iyong atensyon o pansin at ginagamit ngayon upang baguhin ka. Huwag kang susuko! Huwag mong hayaang nakawin ni Satanas ang himala na inilaan ng Diyos para sa iyo kapag napagtiisan at nalampasan mo ito.
Kasama ang Diyos. “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay” (Mateo 19:26). “Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanila, ‘Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay’” (Marcos 10:27). Wala (WALANG ISA MANG BAGAY) ang imposible sa Diyos. Kumilos kasama ang Diyos. Huwag kang magkaroon ng iyong plano at asahang pagpapalain ito ng Diyos. Kailangan mong kumilos “kasama ang Diyos.” Hindi Siya kikilos kasama ka.
Kapag nagsalita ka. “...magpakatatag tayo sa ating pananampalataya” (Hebreo 4:14). “Idambana ninyo sa inyong puso si Kristong Panginoon. Humanda kayong lagi na magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa inyong pag-asa. Ngunit maging mahinahon at mapitagan kayo sa inyong pagpapaliwanag...” (1 Pedro 3:15-16). “Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa pugong iyon at sa inyong kapangyarihan. At kung hindi man niya gawin ito...” (Daniel 3:17-18). Kailangan natin sabihin kung ano ang sinabi ng Diyos sa Kanyang Salita, ng walang pakundangan, ng may pag-asa sa ating mga labi. Pero maghintay hangga’t ikaw ay tanungin. Ikaw ay tatanungin kung ikaw ay puno ng kaligayahan ng Panginoon sa gitna ng iyong paghihirap! Kapag ikaw ay tinanong tungkol sa iyong pag-asa ng iyong buhay may-asawa, siguraduhin mo na iyong sasagutin ang taong ito ng may pitagan, respeto at hinahon. Huwag kailanman gamitin ang Bibliya upang makipag-sagutan kahit kaninuman!
Tala: Kung ang iyong asawa ang nagtatanong, tandaan na “mahihikayat sila ng walang salita o paliwanag”!
Ihanda ninyo ang inyong mga isipan at patuloy na umasa. “Kaya nga ihanda ninyo ang inyong mga isipan. Magpakatatag kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Hesukristo” (1 Peter 1:13). Ang ibig sabihin ng pagiging matatag ay malinaw na kaisipan. Maging malinaw sa iyong isip tungkol sa anuman ang iyong talagang pinaniniwalaan para maiwasan ang kahihinatnan ng pagdadalawang-isip.
Maging masaya. Tayo ang maging masaya sa ating mga pagsubok dahil alam natin na ito ay magdudulot ng “Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong mapagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo’y maging ganap at walang pagkukulang. Ngunit kung kulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, humingi siya sa Diyos at siya’y bibigyan; sapagkat ang Diyos ay saganang magbigay at di nanunumbat. Subalit ang humingi’y dapat manalig at huwag mag-alinlangan; sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan” (Santiago 1:2-6).
Maging handa—ang iyong pananalig AY susubukan! Ang mga takot at pag-aalinlangan ay dumarating sa isip ng lahat ng tao; huwag mo lang bigyang pansin ang mga ito! Sa halip, mag-isip ng mabubuting bagay. Kapag ikaw ay nag-alinlangan, mahihirapan kang maniwala at ang mga pagsubok ay lalong magiging mahirap. At tandaan, magkakaroon tayo ng “iba’t ibang” pagsubok, ang iba ay malalaki at ang iba ay mga iritasyon laman. Kailangan natin Siyang pasalamatan sa lahat ng ating mga pagsubok. Ito ang sakripisyo ng papuri.
Magalak. “Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo. Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kagandahang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Hesukristo. Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri; m ga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan” (Filipos 4:4-9).
Maliwanag na halos lahat ng digmaan ay napapanalunan o natatalo sa isip. Sundin ang payo ng Panginoon para sa kapayapaan sa gitna ng iyong mga pagsubok upang makamtan ang tagumpay sa mga ito—PAPURIHAN ang Panginoon sa gitna ng mga ito! Magalak sa ALAM mong ginagawa Niya. Tapos isipin ito, magsalita tungkol dito, pakinggan lamang ito. Maraming beses, tatawagan ka ng iyong mga malalapit na kaibigan upang sabihin sa iyo kung ano ang ginagawa ng asawa mo. Madalas, ang mga ito ay hindi “magandang balita” at hindi maganda, marangal o tama—kaya huwag mong pakinggan!
Ang pananalig ay HINDI nakikita. Kadalasan, may mga babaeng sumusulat sa akin dahil sila ay naghahanap ng mga sinyales ng pagbabago sa kanilang buhay may-asawa o sa pakikitungo ng kanilang asawa sa kanila. Dapat mong tandaan na ang Bibliya ay napakalinaw—ang pananalig ay hindi nakikita! Kapag tinanong ka ng iba tungkol sa iyong sitwasyon, sagutin mo sila ng, “Papuri sa Panginoon, kumikilos ang Diyos!”
“Kaya’t hindi ako pinanghihinaan ng loob. Bagamat humihina ang aking katawang-lupa, patuloy namang lumalakas ang aking espiritu. Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas ko ngayon ay magbubunga ng kaligayahang walang hanggan at walang katulad. Kaya’t ang paningin namin ay nakapako sa mga bagay na di nakikita, hindi sa nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di nakikita” (2 Corinto 4:16-18).
Ang pananalig ay...hindi nakikita. Kapag ikaw ay nakakaranas ng tinatawag ni Pablo na “bahagyang kapighatian,” maaring ito ay bumabasag ng iyong puso at NAPAKASAKIT. Paalalahanan mo ang iyong sarili ng napakaimportanteng katotohanan: ang mga kapighatiang ito ay nakatalagang maging panandalian lamang! At ang mga kapighatiang ito ay hindi lamang panandalian kundi magbubunga ng magandang bagay para sa iyo—hinahanda ka ng mga ito para sa isang bago at napakagandang buhay may-asawa. Tandaan, ang paghihinagpis ay panandalian pero ang mga benepisyo nito ay magpawalang hanggan! “Tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na DI natin nakikita” (Hebreo 11:1).
Pananalig—hindi sa paningin. Halos lahat ng mga tao ay nagsisimulang maniwala kapag “sila ay nag-umpisa ng may makitang nangyayari,” pero hindi ito pananalig! “Namumuhay ako ayon sa pananalig sa Diyos, hindi sa mga bagay na nakikita” (2 Corinto 5:7).
Pagtingin sa ating sitwasyon. Nang si Pedro ay tumingin sa kanyang sitwasyon, siya ay lumubog—at ikaw rin. “Sumagot Siya, ‘Halika.’ Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. ‘Sagipin ninyo ako, Panginoon!’ sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. ‘Napakaliit ng iyong pananalig!’ sabi niya kay Pedro. ‘Bakit ka nag-alinlangan?’” (Mateo 14:29-31).
Para sa ating pagsubok. Baka ang isa sa pinakaimportanteng aral sa ating paninindigan sa ating mga pamilya at ating mga buhay may-asawa ay ang ating kakayanan na lampasan ang ating pagsubok—ang pagsubok ng ating pananalig sa Kanyang Salita at hindi pagkabagabag ng ating emosyon o maling mga kwento o pananaw mula sa iba. “Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong mapagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo’y maging ganap at walang pagkukulang” (Santiago 1:2). Kapag ikaw ay perpekto na at ang iyong pagbabago ay ganap na, PAGKATAPOS makikita mo na ang pagbabalik ng iyong asawa sa inyong tahanan!
Pinararaan sa apoy. “Ito’y dapat ninyong ikagalak, bagamat maaaring magdanas muna kayo ng iba’t ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, na nasisira, ay pinararaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayon din naman, ang inyong pananampalataya, na higit kaysa ginto, ay pinararaan sa pagsubok upang malaman kung talagang tapat. Sa gayon, kayo’y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Hesukristo” (1 Pedro 1:6-7).
Napakarami ang nabigo sa kanilang pagsubok at nagpatuloy na maglakad sa desyerto tulad ng mga tao sa Israel dahil kulang sila sa pananalig. Sila ay nagreklamo na nagdulot ng rebelyon. Ang pagpapatunay ng iyong pananalig, ang pusong puno ng pananalig at kakuntentuhan sa iyong KASALUKUYANG sitwasyon, ay mas higit pa sa mamahaling ginto.
Ipagpatuloy ang pananampalataya. Huwag kang pumaling sa ibang plano kapag ang mga bagay o pagsubok ay lalong humihirap; huwag mong ikumpromiso ang naumpisahan mo nang gawin. Si Satanas ay kilala sa pagbibigay ng bago (at maling) solusyon sa ating mga pagsubok. Ang pagpili at pagdedesisyong manatili sa tamang daan ay ang pagsubok na patuloy nating pagdaraanan. “Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin. Nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kakamtan ko na ang korona ng pagtatagumpay...” (2 Timoteo 4:7-8).
Kung ikaw ay naglalakad kasama ang Panginoon na matagal ng panahon at napapagod na, hilingin mo sa Diyos na padalhan ka ng isang babae na tutulong sa iyo na huwag bumigay sa iyong pangako. “Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila. Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa pagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal. Kung malamig ang panahon, maaari silang magtabi sa higaan upang parehong mainitan. Ngunit saan siya kukuha ng init kung nag-iisa siya? Kung ang nag-iisa’y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipit ay di agad malalagot” (Mangangaral 4:9-12). Eto ang ilan sa mga halimbawa ng lubid na may tatlong pilipit na makikita sa Bibliya:
Moises, Aaron and Hur: “Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nila pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw” (Exodo 17:12). Tingnan rin ang Sadrac, Mesac at Abednego sa aklat ni Daniel kabanata 3. Ikaw, ISA lamang kaibigan at ang Panginoon ay makapangyarihang may tatlong pilipit na lubid!!
Mabilis na Gabay sa mga Pagsubok and Paghihirap
Ang Diyos ang Siyang may kontrol, hindi tao at HINDI ang demonyo!
- Sa lahat ng bagay, ang nagpapasiya’y ang Panginoon. (Kawikaan 29:26).
- Ang tagumpay ay sa Diyos nagbubuhat. (Kawikaan 16:1).
- Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari at naibabaling Niya ito kung saan igawi. (Kawikaan 21:1).
- Ang lahat ng ito’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Panginoon. (Mangangaral 9:1).
- Ikaw, O Diyos, ang dahilan. (Awit 44:9-15).
- Ang bagyong malakas, pinayapa Niya’t (Diyos) Kanyang pinatigil. (Awit. 107:1-32).
- Iyong (Diyos) pinalayo pati kasintaha’t aking kaibigan. (Awit 88:8, 18).
Ano ang ginagawa ng mga pagsubok PARA sa atin?
- Upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Kristo. (2 Corinto 12:9-10).
- Sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan. (Filipos 4:9).
- Kakamtan natin ang korona ng pagtatagumpay. (2 Timoteo 4:7,19).
- Tayo’y maging ganap at walang pagkukulang. (Santiago 1:2-4).
- Upang makatulong naman tayo sa mga namimighati sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa Kanya. (2 Corinto 1:3-4).
- Ang mabuting gawa na pinasimulan sa atin ay Kanyang lulubusin. (Filipos 1:6-13).
- Upang makasama ang ating mahal sa habang buhay. (Filemon 1:15).
- Kakamtan natin ang habag at kalinga. (Hebreo 4:15).
- Matutunan natin ang tunay na kahulugan ng pagsunod. (Hebreo 5:7-8).
- Lalong magiging matatag ang ating pananampalataya. (Santiago 1:2-4).
- Tatanggap tayo ng Korona ng Buhay. (Santiago 1:12).
- Upang mapatunayan na ating pananampalataya ay talagang tapat. (1 Pedro 1:6-7).
- Upang tularan ang Kanyang halimbawa. (1 Pedro 2:21).
- Upang makiisa sa Kanyang paghihirap. (1 Pedro 3:13).
- Upang tayo ay maging ganap, matatag, matibay at di matitinag. (1 Pet. 5:10).
Humingi sa Diyos ng patnubay sa BAWAT pagsubok. “Kay Yahweh ka magtiwala buong puso at lubusan. At huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Siya ay sangguniin sa lahat mong mga balak at kanya kang itutumpak sa lahat ng iyong lakad” (Kawikaan 3:5-6).
Tumawag tayo sa Kanya ng kalakasan, lumapit sa Kanya sa oras ng pangangailangan. Hayaan natin Siyang disiplinahin o ituwid tayo, subukan tayo. Tayo ay laging magalak sa lahat ng bagay, hindi lamang sa mabubuti pati na sa mga kaguluhan na dumarating sa atin. Ilapit natin sa ating mga labi ang ating pag-asa at maging matatag sa ating mga isipan. Lagi nating tandaan na Kanyang kalooban na ating harapin ang mga mahirap na panahon at ito ay para sa ating kabutihan!
“Tayo ay magalak sapagkat minarapat ng Diyos na tayo’y malagay sa kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Hesus!” (Gawa 5:41).
“Wala siyang pangamba sa bukas na daratal” (Kawikaan 31:25).
“Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa Kanya, ang mga tinawag ayon sa Kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti” (Roma 8:28).
Personal na pangako: na magalak kapag ako ay dumaranas ng iba’t ibang pagsubok. “Batay sa aking mga natutunan mula sa Salita ng Diyos, ipinapangako ko na subukan ang aking pananampalataya upang makatulong magbunga ng katatagan. At hahayaan ko na ang katatagan at pagtitiis ay magkaroon ng lubos na kaganapan, upang ako ay maging ganap at walang pagkukulang.”
Kung handa ka nang mangako sa DIYOS na tapusin ang kursong ito, sa PAGPINDOT RITO, sumasang-ayon ka sa Personal na pangako, at handa ka nang itala sa kasulatan ang susunod na hakbang patungo sa iyong Lakbay ng Panunumbalik sa iyong form ng "Pang-Araw Araw na Tala". Huwag kang magmadali, maupo, kunin ang iyong kape o tsaa, at ibuhos ang iyong puso sa iyong Talaarawan.
Isa pa, kung nais mong may ma-kaparehang ePartner na TULAD MO MAG-ISIP matapos ang iyong Pagbuo, SIGURADUHIN na ibuhos ang iyong puso sa BAWAT aralin.